TUGUEGARAO City – Muling magtitipun-tipon ang mga tinaguriang reservists kasabay sa pagdiriwang ng 40th National Reservist Week sa April 6 hanggang 7.
Sa panayam ng Bombo Radyo, hinikayat ni Col. Johnson Jemar Aseron, group commander ng 2nd regional community defense group ang lahat ng mga reservist sa Cagayan na makilahok sa naturang aktibidad.
Sinabi ni Aseron na naaayon ang selebrasyon sa mahalagang kontribusyon ng bawat reservists sa bansa lalo na sa humanitarian at rescue services tuwing kalamidad.
Layon din ng aktibidad na ipabatid sa mga school administrators at rotc cadets ang mga kasalukuyang programa sa ROTC at maging sa kasalukuyang polisiya ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Sinabi ni Aseron na ang isang military reservist ay sundalo na hindi aktibo sa katungkulan sa hukbong sandatahan subalit maaaring ipatawag sa oras ng kagipitan upang tumulong sa pagtatanggol sa bayan.
Ang pagiging reservist ay isang anyo ng volunterism na makakatanggap ng ayudang pinansyal sa mga aktibong miyembro na gumaganap ng kani-kanilang tungkulin sa serbisyo.
Kasabay nito hinikayat ni Aseron ang sinumang kwalipikado na sumali sa pwersa ng reservist kung saan sasailalim ang mga kandidato sa paghahanda sa pamamagitan ng lectures at pagsasanay na maaaring mamili ng sangay na sasalihan sa Philippine Navy, Army o Airforce.
Magsumite lamang ng aplikasyon sa tanggapan ng sandatahang lakas ng Pilipinas.