TUGUEGARAO CITY-Nasa 1,361 aplikante na ang natanggap ng Provincial Government ng Cagayan mula nang ilunsad ang online application para sa “Balik Cagayan-Provincial Border Pass” o mga nagnanais umuwi sa probinsiya matapos ma-stranded sa iba’t-ibang lugar dahil sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine laban sa Covid-19.

Ayon kay Mike Pinto, head ng Technical Working Group ng balik-Cagayan, karamihan sa mga ito ay mula sa lungsod ng Tuguegarao na may 204 na katao na sinundan ng Solana na 88, Gattaran na may 68 ,Baggao na 62 at ang iba ay mula sa ibang bayan.

Aniya, base sa kanilang nakalap na impormasyon sa mga applikante ,umaabot sa 648 ang magmumula sa kalakhang Maynila habang 713 naman sa iba’t-ibang lungsod at bayan sa bansa.

Kaugnay nito, umaabot na sa 1,139 ang kanilang naipadala sa mga local government unit (LGUs) para sa gagawing beripikasyon.

Ngunit, sinabi ni Pinto na mula sa nasabing bilang na kanilang naipadala ay 41 applikante pa lamang ang kanilang natanggap na inaprubahan ng kanilang Lgu kung saan nabigyan na ng eksaktong araw kung kailan maaring makauwi sa Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Muli namang ipinaalala ni Pinto na dapat siguraduhin ng mga applikante na ang kanilang ibibigay na email address ay active dahil doon ipapasa ang border pass kung sakali na apprubahan ng LGU ang kanilang applikasyon.

Pahayag ito ni Pinto matapos hindi maging active ang ibinigay na gmail address ng dalawang applikante na kasama sa 41 naaprubahan kung kaya’t kinailangan pa silang tawagan sa kanilang cellphone number para mabigyan ng abiso.

Tinig ni Mike Pinto

Samantala, ipinaliwanag ni Pinto na kailangan pa ring kumuha ng medical certificate at travel pass sa kanilang lugar na tinitirhan sa ngayon para may magamit o maipakita sa mga checkpoint area sa ibang lugar na madadaan.

Gagamitin lamang aniya ang border Pass para makapasok sa probinsiya ng Cagayan at malimitahan ang bilang ng mga darating sa kani-kanilang bayan bilang pag-iingat sa covid-19 pandemic.