Cagayan Valley Medical Center

TUGUEGARAO CITY -Kinumpirma ni Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na nakapagtala ng confirmed case ng Coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang bayan ng Sta Ana, Cagayan.

Ayon kay Dr. Baggao, ang panibagong kaso ng covid-19 sa probinsiya ng Cagayan ay isang 42-anyos na babae na mula sa Barangay Centro, Sta Ana.

Galing ang pasyente sa Cavite kung saan umuwi siya sa bayan ng Sta Ana kasama ang kanyang anak, kasintahan, driver at isa pa nilang kasamahan nitong Hunyo 17, 2020.

Agad isinailalim sa quarantine at rapid test ang pasyente kung saan siya ay nagpositibo kung kaya’t kinuhanan ng specimen para sa swab test at ngayong araw (June 20,2020) ay inilabas ng Department of Health (DOH)-Region 2 ang resulta kung saan siya ay positibo sa virus.

Sinabi ni Baggao na bago umuwi ang pasyente ay nakaramdam ng lagnat at sakit ng ulo na ilan sa mga sintomas ng covid-19.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa maayos umanong kalagayan ang pasyente habang minomonitor sa covid-ward ng naturang pagamutan.

Sa ngayon, isang confirmed case at tatlong suspect kabilang ang sampung buwang sanggol na lalaki ang kasalukuyang monomonitor sa CVMC.

Samantala, sinabi ni Baggao na nakipag-ugnayan sa kanilang pagamutan ang alkalde ng Tabuk city, Kalinga para I-refer ang isa nilang residente na positibo sa virus.

Magkakaroon naman ng misa sa pagamutan kasabay ng kanilang 75th founding anniversary sa araw ng Miyerkules, Hunyo 24, 2020.