Nanganganib mawalan ng tirahan ang 43 pamilya na binubuo ng 156 katao na nakatira malapit sa chico river ng Purok 5, Brgy Mungo, Tuao East, Cagayan dahil sa patuloy na pagtibag ng lupa.
Matatandaan na nang manalasa ang bagyong Paeng ay lumawak ang natitibag na lupa na umabot na sa mga kabahayan na dati ay nasa dalawang-daang metro ang layo sa ilog na nagresulta sa pagkakatangay ng tubig-baha sa 22 kabahayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ Jhun Jhun Balisi, hepe ng PNP-Tuao na patuloy ang malakas na pag-agos ng tubig sa ilog na dahilan ng pagtibag ng lupa at nanganganib matangay ang 43 kabahayan.
Sa ngayon ay nailikas na ang mga apektadong pamilya sa evacuation center ng Brgy Lallayug habang ang ilan naman ay pansamantalang nakitira sa kanilang mga kamag-anak o kakilala.
Nag-dismantle na rin ang ilang mga residente katuwang ang pulisya at MDRRMO ng mga bagay sa kanilang tahanan na maaari pa nilang magamit o mapakinabangan kung sakaling matangay ng ilog.
Patuloy rin ang ginagawang pagtulong ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan sa Tuao sa mga pangunahing pangangailangan ng mga inilikas na pamilya, kabilang na ang PNP na namigay ng mga relief packs.
Nauna na rin inihayag ng LGU Tuao na plano nilang i-relocate ang mga apektadong residente sa naturang barangay upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.