TUGUEGARAO CITY-Aabot sa 48 katao na may standing warrant of arrest sa ibat-ibang kaso ang naaresto ng mga otoridad sa inilunsad na simultaneous at ‘one time big time’ operation sa lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Pcapt Sharon Mallillin, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pulisya na linisin sa lahat ng uri ng kriminalidad ang lalawigan.
Base sa datos, naaresto ang 23 kabilang sa Top Most Wanted mula sa bayan ng Tuao, Sta Teresita, Aparri, Solana, Allacapan, Lal-lo, Piat, Ballesteros, Camalaniugan at Gattaran, Claveria, Piat, Alcala, Lasam, Sto Niño, Baggao at Amulung na karamihan ay dahil sa kasong rape.
Ayon kay Mallillin, pito ang nadakip na Top Most Wanted dahil sa kasong rape, tig-dalawa sa pagtutulak ng droga at frustrated murder, habang tig-isa sa qualified to trespass to dwelling at attempted homicide.
Nadakip rin sa naturang operasyon ang 9 katao na most wanted sa ibat-ibang kaso sa bayan ng Buguey, Abulug, Baggao, Ballesteros, Aparri, Peñablanca, Alcala, Camalaniugan at Rizal.
Habang 8 katao ang nadakip sa paglabag sa Special Laws sa bayan ng Camalaniugan, Gonzaga, Lal-lo, Gattaran, at Tuguegarao City at lima sa iba pang accomplishment.
Sa ngayon ay nakakulong na sa ibat-ibang himpilan ng pulisya ang mga nadakip habang hinihintay ang commitment order para sa kanila.
Ayon kay Mallillin, magreresulta sa pagbaba ng crime volume ang pagkakahuli ng mga wanted sa batas.
Dagdag pa ni Mallillin na inisyal na datos pa lamang ito at posibleng madagdagan pa hanggang ngayong araw sa oras na makapagsuimite na lahat ang PNP stations sa lalawigan sa kanilang accomplishment.