Arestado ang isang 47-anyos na ginang na pasahero matapos madiskubre ang apat na bala ng baril sa kanyang bag sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Ayon sa imbestigasyon, nang isalang ang bag ng pasahero sa X-ray machine ay nakita ng mga tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) ang mga hugis na kahawig ng bala.

Kasunod nito ay nagsagawa sila ng pisikal na inspeksyon sa bag, na sinaksihan din ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Unit.

Doon ay nakumpirma ang pagkakaroon ng apat na bala sa isang pouch sa hand-carry bag ng babae.

Dahil hindi nakapagpakita ang pasahero ng dokumento para magdala ng mga bala, inaresto siya sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at sa gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (COMELEC).

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan ay sinisikap pa ng mga awtoridad na kunan ng pahayag ang nasabing pasahero ukol sa insidente.