Aabot sa 47 mga vendors at stall owners sa pampublikong pamilihan sa bayan ng Allacapan ang nagpositibo sa isinagawang antigen testing nitong September 4 hanggang 5 ng kasalukuyang taon.
Sa kasalukuyan, ang mga nagpositibo ay naka-isolate na at inaantay na rin ang resulta ng kanilang RT-PCR Test.
Nakapagsagawa na rin ng disinfection ang lokal na pamahalaan sa kanilang pamilihang bayan habang mangilan-ngilan na lamang ang mga negosyanteng nagbukas ng kanilang pwesto.
Matatandaan na nauna nang hiniling ni Mayor Harry Florida sa Sangguniang Bayan na huwag munang mangolekta ng renta sa mga negosyanteng umookupa sa pamilihang bayan ngayong buwan ng Setyembre dahil sa kanilang lugi.
Ipinag-utos din ng alkalde sa mga lahat ng mga Department Heads ng LGU na kailangang sumailalim ang mga ito sa antigen testing kada araw ng Lunes bago pumasok sa kanilang opisina.
Pinayuhan din ni Florida ang lahat ng mga kawani na maging tapat sa estado ng kanilang kalusugan lalo na kung may mga nararamdamang sintomas ng COVID-19 ay huwag na munang pumasok at agad na mag-isolate.