
Opisyal nang binuksan ang 47th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia, ngayong umaga sa Kuala Lumpur Convention Center.
Sinalubong ng chairman ng pagtitipon ngayong taon na si Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim, ang pagdating ng mga world leaders sa pagtitipon.
Kabilang dito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging susunod na chairman ng ASEAN sa 2026. Kasama ng pangulo si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ayon kay Pangulong Marcos, itutulak niya ang adbokasiya ng Pilipinas para sa isang bukas, inklusibo, at mapayapang pagresolba ng mga sigalot alinsunod sa international law.
Naging highlight ng unang bahagi ng summit ang paglagda ni Pangulong Marcos Jr. at ng iba pang world leaders ang dokumentong pormal na nagtatanggap sa Timor-Leste bilang bagong kasapi ng ASEAN bilang ika-11 miyembro, matapos ang labing-apat na taon.
Sa unang pagkakataon din nakasama si Timor-Leste Prime Minister Rala Xanana Gusmão sa mga lider ng rehiyon para sa tradisyunal na ASEAN handshake, bilang simbolo ng opisyal na pagpasok ng kanilang bansa sa samahan.
Inilagay na rin ang bandila ng Timor-Leste sa ASEAN stage kasama ng iba pang Southeast Asian Nation.
Naging emosyonal ang mga delegado mula sa Timor-Leste sa pag-anunsyong ito.
Nabatid na halos dalawang dekada bago tuluyang matanggap ang kanilang membership dahil sa mga hamon sa kapasidad ng gobyerno at institusyon, pang-ekonomiya, at pangangailangang mapatunayan na kaya nilang sumunod sa mahigit 1,000 kasunduan, proyekto, at mekanismo ng ASEAN.
Bukod sa Timor-Leste, makaysaysayan din ang summit ngayong taon dahil ipapasa ng Malaysia sa Pilipinas ang chairmanship ng ASEAN para sa susunod na taon.
Samantala, magkakaroon naman ng bilateral talks si PBBM sa mga lider ng Cambodia, Canada, at Thailand ngayong umaga.









