Kabuuang 491 chainsaw na walang kaukulang permit ang nakumpiska at isinuko sa pulisya sa lalawigan ng Cagayan.

Ito ay resulta ng isang buwang operasyon ng mga otoridad sa pinalakas na kampanya ng pulisya kontra illegal logging sa pamumuno ni PCol Ariel Quilang, director ng Cagayan Police Provincial Official.

Bukod sa mga boluntaryong isinuko, sampung katao ang naaresto sa mga operasyon ng pulisya at apat dito ang dinidinig na ang kaso sa korte.

Sa buong 2019, sinabi ni Quilang na 31 operasyon ang naisagawa kung saan 44 katao ang naaresto at sinampahan ng kaso kung saan 25 ang kasalukuyang dinidinig sa korte.

Nasa 11,433 board feet na ilegal na pinutol na punongkahoy naman ang nasabat habang 755 bft ang narekober na inabandona ng may-ari.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, sinabi ni Forester Mario Hipolito ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) na laganap sa lalawigan ang pagsusunog ng mga residente sa mountainous areas para gawing agricultural lands.

Forester Mario Hipolito ng PNREO

Gayunman, sinabi ni Hipolito na patuloy ang koordinasyon ng apat na PNREOs ng lalawigan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para mapangalagaan ang kagubatan.

Kabilang rito ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa kada komunidad na may kinalaman sa forest protection.