Umaabot na sa 103,000 na aktibong kabahayan na miyembro ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) beneficiaries ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong Region 2.

Sa naturang bilang, sinabi ni Janet Lozano, tagapagsalita ng 4Ps ng DSWD-Region 2 na isang porsyento o 1200 miyembro ang nadeklarang “self-sufficient” or waived mula sa 4Ps dahil sa umunlad na ang kanilang kabuhayan.

Ayon kay Lozano, dumaan sa proseso ang mga benepisaryo ng 4Ps na may layuning mabigyan ng conditional cash grants o pinansiyal na ayuda ang mga mahihirap na pamilya para matulungan ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon lalo na ng mga bata.

Kasama sa mga programa sa ilalim ng 4Ps ay ang libreng checkup para sa mga buntis at mga batang 5 taon pababa, pagpupurga ng mga batang 6 hanggang 14 taon gulang, at libreng edukasyon para sa mga bata mula preschool hanggang high school.

Kinakailangan ding pumasok ang mga bata sa kanilang mga klase at magtamo ng 85% attendance kada taon para makamit ang ilan pang benepisyo tulad ng libreng bakuna.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, hinikayat ni Lozano ang publiko na magsumbong sa kanilang tanggapan tungkol sa sinumang 4Ps beneficiaries na hindi tumutupad o lumalabag sa kanilang alituntunin.Samantala, ang pamilya Perez ng Delfin Albano, Isabela ang nagwaging huwarang 4PS sa naganap na selebrasyon ng National Family Day ngayong taon para sa regional level.

Sinabi ni Lozano na ang pagbibigay parangal sa mga natatanging pamilya ay isinasagawa ng DSWD para hikayatin at bigyang pagkakataon ang mga benepisyaryo na maging modelong pamilya sa pagpapakita ng matatag na samahan, positibong kaugalian ng mga pinoy at maging modelo sa komunidad.

Kabilang sa mga criteria sa pagpili sa outstanding families ay sa aktibong pakikibahagi sa kanilang komunidad at pagsunod sa itinakdang kondisyon sa 4PS.