Ganap ng batas ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang naturang programa ay kasalukuyang iinimplementa sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development o DSWD kung saan layuning matulungan ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pamimigay ng tulong pinansyal na nakatuon para sa pag aaral at kalusugan ng mga anak simula 0 hanggang 18 taong gulang.

Mayroon ding chec-up para sa mga buntis at sa mga bata na simula 0 hanggang 5 taong gulang, pagsasailalim sa deworming ng mga nasa 6 hanggang 14 na taong gulang at pagpapabakuna, ilang Family Development Sessions kagaya ng responsableng pagpapamilya at iba pa.

Makakatulong din umano ang 4Ps para malabanan ang kagutuman at kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pamimigay ng Primary Education, mapababa ang Child Mortality, pag-promote ng Gender Equality at magandang serbisyo para sa Maternal Health Care.

-- ADVERTISEMENT --

Ilan sa mga kwalipikasyon para sa pagiging benepisaryo ng 4ps ay naninirahan sa mga lugar na maituturing na poorest municipalties at ang kanilang economic conditions ay pantay o mas mababa sa provincial poverty threshold.

Sa pamamahagi naman ng tulong pinansyal, nagkakahalaga ng P500 sa bawat pamilya para sa kalusugan kada buwan o nasa P6,000 sa loob ng isang taon.

Para naman sa pag-aaral ng mga anak, P300 ang ibinigay sa bawat bata kung saan hanggang tatlo lamang ang maaring maging benepisaryo dito at sa loob lamang ng sampung buwan ang ipapamahagi sa isang taon.

Ibig sabihin, nasa P3,000 kada taon ang matatanggap sa bawat bata na nag aaral.

Kung ang isang pamilya na may tatlong anak, nakakatanggap sila ng P1,400 kada buwan dahil P500 para sa kalusugan habang ang P900 ay para sa tatlong mga anak at umaabot ang naibibigay na tulong hanggang sa P15,000 sa loob ng limang taon.

Katuwang ng DSWD sa nasabing programa ang PhilHealth, Department of Labor and Employment, Phil. Association of State Universities and Colleges at Commission on Higher Education.

Sa ngayon, ang 4Ps ay ganap ng isinabatas at ito ay ang Republic Act 11310 kung saan ito na ang gagamitin ng gobyerno bilang National Poverty Reduction Strategy.

Magsasagawa umano ang DSWD ng regular validation kada ikatlong taon para sa mga magiging kwalipikadong benepisaryo.

Kabilang sa mga makakatanggap ng tulong mula sa nasabing batas ay ang mga pamilya ng mga magsasaka, mangingisda, mga pamilyang walang tahanan, mga katutubo at naninirahan sa mga malalayong lugar maging ang mga lugar na hindi naabutan ng serbisyo ng suplay ng kuryente.

Sa ilalim nito, hindi bababa sa P300 kada buwan ang ibibigay para sa mga nasa day care hanggang sa elementarya habang tataas na ito pagtungtong sa junior high school kung saan makakatanggap na ng P500 kada buwan sa loob ng 10 buwan sa isang taon habang P700 kada buwan naman sa senior high school.

Mula sa kasalukuyang P500 kada buwan para sa kalusugan ,magiging P750 na ito bawat pamilya.

May kaakibat naman na parusa ang mandadaya sa kanilang registration para lamang maging benepisaryo kung saan maaring makulong ng isang buwan hanggang sa isang taon at magmumulta ng hindi bababa sa P10,000 hanggang sa P100,000 kung mapapatunayan.

Sa pamamagitan umano nito ay maaring maibaba ng hanggang 14% ang poverty incidence sa bansa sa taong 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa ilang mga benepisaryo ng 4Ps, sinabi ni Richard Zaldivar ng Brgy. Bauan East, Solana na simula pa noong 2009 siya nakakatanggap ng tulong pinansiyal.

Sa katunayan umano ay aabot na sa 10 taon bilang benepisaryo sa darating na Setyembre kung saan tatlo mula sa lima niyang anak ang natutulungan dito.

Malaki ang pasasalamat niya sa nasabing programa dahil maaari umano na mahihirapan silang mag asawa sa pagtaguyod sa kalusugan at pag aaral ng kanilang mga anak kung walang ang ibinibigay sa kanila na umaabot sa P5,200 bawat dalawang buwan dahil hindi naman sapat ang kanyang kinikita bilang construction worker habang nasa ibang bansa ang kanyang misis.

Aminado ito na kulang ang kanilang natatanggap para sa pangangailangan ng kanilang mga anak ngunit malaking bagay na umano ito bilang suporta sa kanila.

ang tinig ni Saldivar

Ayon naman kay Joan Menor mula sa bayan ng Alcala, 2012 pa umano siya naging benepisaryo hanggang sa ngayon kung saan ang pangalawang anak ang nakapagtapos na sa programa habang kasalukuyan ang 14 anyos niyang anak habang hinintay naman ang muling validation ng DSWD para maisali ang bunso na papasok palamang sa Grade 2.

Dati umano siyang Brgy. Nutritionist Scholar at sa ngayon ay Secretary sa kanilang kooperatiba habang magsasaka ang kanyang mister kung saan malaking tulong ang natatanggap na P2,800 sa bawat dalawang buwan dahil sa hindi naman umano sapat ang kanilang kita para sa pag aaral ng kanilang mga anak.

Naniniwala ito na hindi makakamit ang narating para sa edukasyon ng mga anak kung wala ang 4Ps dahil sa hirap na rin umano ng buhay at seasonal lamang ang kanilang kita sa pagsasaka.

ang tinig ni Menor

Ayon naman kay Elizabeth Orpilla ng Baggao, sa darating umano na pasukan ay nasa Grade 9 at Grade 11 ang dalawa niyang anak na natutulungan ng 4ps simula pa noong 2012.

Kakaunti lamang din umano ang sinasahod nila ng kanyang mister at malaking bagay ang kanilang natatanggap na P4,200 kada dalawang buwan.

Pilit umano nila itong pinagkakasya upang magpatuloy ang pag aaral ng kanilang dalawang anak.

Ngayon naisabatas na ang 4Ps, laking pasasalamat nila dahil mapapalawig pa ang naturang programa at tiyak umano na marami pa sa mga magulang ang matutulungan sa pag papaaral at pag aalaga sa kanilang mga anak.

Pinayuhan naman nila ang kanilang mga anak na dapat na huwag sayangin ang tulong na ito kundi dapat na pagtuunan ng pansin ang pag-aaral upang makamit ang layunin ng nasabing programa.

Sana, maipatupad ng husto lalo pa ngayon na ganap ng batas ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps upang ang layuning matulungan ang mga mahihirap ay madama at dito aasahan naman ang pagbaba ng bilang ng mga pamilyang Pilipino na mahihirap at nagugutom sa bansa