Muling pinalalahanan ng Department of Health Region 2 ang publiko na paigtingin ang 4S strategy kasunod ng halos siyam na beses na pagtaas ng bilang ng dengue infections sa Cagayan Valley sa unang kalahati ng 2022 kumpara noong nakaraang taon.
Sa pamamagitan ng Advocacy campaign na “Crush Dengue, Para Di Mag Landing on You” ng DOH ay pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na isagawa ang search and destroy mosquito-breeding sites; self-protection measures; seek early consultation of symptoms; at support spraying or fogging para mapigilan ang pagdami ng dengue cases.
Ayon kay Dr. Janet Ibay, Infectious Disease Cluster Head ng DOH R02, nasa 897% o katumbas ng 2,014 na kaso ng dengue ang naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 4, 2022 kumpara sa bilang na 202 na kaso lamang ng parehong panahon noong 2021.
Apektado rito ang mga nasa edad 11 hanggang 20 matapos tamaan ng sakit na dengue kung saan, nasa 9 days old ang pinakabata at 88 taong gulang naman ang pinakamatanda sa mga pasyente na pawang mga kalalakihan.
Ang lalawigan naman ng Isabela ang may pinakamataas na naitalang kaso na umabot sa 967; sinundan ng Cagayan na mayroonng 724; Nueva Vizcaya na 262; Quirino na 59, at Batanes na mayroong dalawang kaso.
Kaugnay nito ay naitala ang anim na namatay dahil sa sakit kung saan lima rito ay mula sa Cagayan at ang isa ay sa Isabela.
Sa clustering ayon kay Dr. Ibay, dito makikita ang bilang ng kaso na naitatala ng mahigit tatlo o higit pa sa loob ng apat na linggo sa isang lugar at upang matukoy ang mga lugar na maaaring magkaroon ng outbreak.
Bagamat wala pang outbreak sinabi ni Regional Director Dr Grace Santiago na puspusan ngayon ang koordinasyon ng ahensya sa Department of Education at lokal na pamahalaan para sa pagpapaigting ng 4S startegy.