TUGUEGARAO CITY- Naniniwala ang Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI Region 2 na unti-unti nang nawawala ang 5-6 na uri ng pagpapautang sa mga maliliit na negosyante sa bansa.
Sinabi ni Cloyd Velasco, regional governor ng PCCI Region 2 na ito ay dahil sa pautang mula sa ilang ahensiya ng pamahalaan tulad na lamang ng Department of Trade and Industry.
Ayon kay Velasco, mas nakakaluwag ang mga negosyante sa pagbabayad sa pautang mula sa gobyerno dahil sa maliit lamang ang interest tulad sa STI na 2.5 percent lamang sa isang buwan kumpara sa 5-6 na 20- 35 percent ang interest.
Dahil dito, sinabi ni Velasco na marami na ring maliliit na negosyo ang umunlad dahil sa tulong ng pamahalaan.
Idinagdag pa ni Velasco na malaki rin ang naitutulong ng DTI at Department of Science and Technology sa marketing ng mga produkto ng mga negosyante hindi lamang sa rehion kundi sa buong bansa.