Natagpuang patay at nakalagay sa sako ang isang babaeng limang-taong-gulang.

Bago ang insidente, nakita na nangangaroling ang bata sa Santo Tomas, Batangas.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang biktima na nasa harap ng isang bahay at pinapasok ng isang lalaki noong Biyernes.

Sa nasabi ring araw, nakita ang isa pa sa mga suspek sa hiwalay na CCTV footage na naglalakad at may hawak na sako.

Kinabukasan, araw ng Sabado, nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakasako na itinapon sa isang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa pulisya, agad silang tumugon sa tawag sa kanilang himpilan na may natagpuan na bangkay ng isang batang babae na nakasako, kung saan kinumpirma na ito ang iniulat ng mga kaanak na nawawala.

Kaagad namang nahuli noong Sabado ang dalawang suspek na edad 22 at 33.

Ang 22-anyos na suspek umano ang nagpapasok sa biktima sa bahay.

Inamin niya ang krimen at ang paggamit nila ng ilegal na droga.

Aniya, patay na ang bata nang halayin nila.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang isa pang suspek.

Nakita ng mga awtoridad ang ilang sachets ng shabu at ang tsinelas ng biktima na itinago sa dingding ng bahay.