Isang limang taong gulang na babae ang pinakabatang naitala sa bagong kaso ng mga tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lambak ng Cagayan.
Ayon kay Dr. Leticia Cabrera ng DOH-Region 2, si PH1333 ay mula sa bayan ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya na walang travel history na unang ipinakonsulta sa Rural Health Unit (RHU) nang nakaranas ito ng lagnat at ubo noong March 15, 2020.
Subalit, inilipat ang batang pasyente sa isang ospital sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nang nakaranas ito ng hirap sa paghinga dahil sa severe acute respiratory infection noong March 22.
March 23 nang kinuhanan ang batang pasyente ng specimen para i-test subalit bago pa man dumating ang resulta ay na-discharged ito sa ospital na stable at asymptomatic noong March 27.
Lumabas ang resulta ng test na positibo ito sa COVID-19 noong Sabado, March 28 at dinala sa Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) sa Nueva Vizcaya at base sa ulat ng pagamutan ay stable ito.
Palaisipan naman kung saan nahawa ang pasyente at tinitignan na ng surveillance team ang mga nakasalamuha nito na dalawang household at anim na health workers sa Alfonso Castañeda, maging ang mga nakasalamuha nito sa health facility sa Cabanatuan City.
Sa kasalukuyan, nasa 15 na ang kaso ng COVID-19 sa rehiyon dos.