Natagpuan ang limang bungo ng tao na nakasilid sa isang kahon na nakabalot sa trash bag sa gilid ng Liana Road, Barangay Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon sa ulat ng pulisya, isang caretaker ng lote ang nakadiskubre sa kahina-hinalang kahon habang bibili sana ng pagkain, at agad niya itong iniulat sa mga awtoridad.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang wala nang mga ngipin at nakabalot ng packaging tape ang mga bungo, kung saan isa ay may basag sa sentido at may nakasulat na numero.
Dinala na ang mga bungo sa Camp Crame para sa masusing pagsusuri gaya ng anthropological, odontological, at DNA testing.
Sa ngayon, wala pang lumalapit na kamag-anak upang magpakilala o magpasuri kung labi ito ng nawawalang kaanak.
Kasabay ng insidenteng ito, isinagawa rin ang search and retrieval operations sa Taal Lake para sa mga nawawalang sabungero.
Bagaman hindi pa matukoy kung may koneksyon ang mga natagpuang bungo sa kaso ng mga sabungero, sinabi ng San Jose del Monte Police na isasailalim ang mga ito sa DNA matching para malaman kung may kaugnayan.
Patuloy din ang imbestigasyon upang matukoy kung ginamit ang mga buto para sa medisina o iba pang layunin.