TUGUEGARAO CITY-Inaantay na lamang ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC)ang pangalawang swab test ng limang nagpositibo sa coronavirus disease (covid-19) na naka-admit sa kanilang mga covid ward.
Ayon kay Dr. Glen Mathew Baggao, medical Chief ng CVMC, pawang asymptomatic ang mga pasyente na sina PH2268 na mula sa bayan ng tuao, PH3098 ng Atulayan norte maging ang mga pasyente na mula sa Balzain at Cabagan.
Ngunit sinabi ni Baggao na si PH838 na mula sa Isabela na isang buntis ang mahigpit na minomonitor ng ospital dahil mababa ang kanyang platelet.
Bukod dito, panibagong tatlong persons under investigation (PUIs) naman ang minomonitor ng cvmc na kinabibilangan ng dalawang nurse na may exposure kay PH275 at PH2764 at isang babae na mula sa bayan ng enrile.
Sinabi ni Baggao, anumang oras mula ngayon ay maari na umanong lumabas si PH275, ang unang kaso ng covid-19 sa Cagayan, sa pagamutan matapos magnegatibo sa pangalawang swab test.
Samantala, hanggat walang kautusan na nagsasabing isapubliko ang pagkakakilanlan ng isang pasyente na positibo sa virus ay hindi ito gagawin ng ospital.
Pahayag ito ni Baggao sa plano ni Cagayan governor Manuel Mamba na maglabas ng executive order na pangalanan at ilabas ang larawan ng isang pasyente na positibo sa covid-19.
Nilinaw din ni Baggao na hindi na rin sakop ng kanilang ospital ang paglabas ng pagkakakilanlan dahil ang RESU o Regional Epidemiology Surveillance Unit ang unang nakakatanggap ng impormasyon ng mga nagpopositibo sa virus.