Isiniwalat ni Senator Panfilo Lacson na limang dating kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na idinadawit sa maanomalyang flood control projects ang natalo ng mahigit P950 million sa casino.
Sinabi ni Lacson na sina dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, Assistant Engineers Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, Edrick San Diego ay nagpanggap na mga contractor sa kanilang paglalaro sa mga casino.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Lacson na bukod sa kanilang multi-million na halaga na mga relo, signature clothes at mga sneakers, o anomang magarbong pamumuhay, ang limang tiwaling mga opisyal ng DPWH ng Bulacan First District Engineering office ay nakuha ang kanilang bansag na BGC Boys, hindi Bonifacio Global City Boys, kundi Bulacan Group of Contractors, kung saan ito ang pagkakakilala sa kanila ng mga empleyado ng casino.
Binigyang-diin ni Lacson na nakakalula ang halaga na natalo sa nasabing mga dating opisyal ng DPWH na umaabot sa P950 million.
Tinukoy ni Lacson ang records mula sa 13 casino sa Metro Manila, Cebu, at Pampanga.