Arestado ang limang indibidwal matapos umanong mambudol ng isang 83-anyos na lola sa bahagi ng Sta. Cruz, Maynila noong Martes, Enero 13.

Ayon sa pulisya, mag-isang namamasyal ang biktima sa isang mall nang lapitan ito ng isa sa mga suspek at inalok ng dalawang lata ng umano’y mamahaling gatas sa halagang ₱5,000.

Dahil mas mababa umano ang presyo kumpara sa karaniwang bentahan, naengganyo ang lola at agad na nag-withdraw ng perang ipambabayad.

Matapos ibigay ang pera, sinamahan pa umano ng mga suspek ang biktima patungo sa isang SUV.

Subalit sa halip na ibigay ang gatas, pinakita pa umano ng mga suspek ang tinatawag na boodle money at tinangka pang kunin ang mga alahas na suot ng matanda.

-- ADVERTISEMENT --

Mas lalo umanong naghinala ang biktima nang pababain siya ng mga suspek mula sa sasakyan.

Napansin ng mga guwardiya ng mall ang pagtatalo at agad na hinarang ang SUV at ipinaalam sa mga awtoridad ang insidente.

Dalawa sa limang suspek ay kapwa 66-anyos at pawang senior citizen.

Sa imbestigasyon, lumabas na ang mga suspek ay nagmula pa sa Bulacan, Cavite, at Pampanga at target umano ang mga senior citizen na nag-iisa sa pamamalasyal sa mga mall.

May isa rin umanong suspek na nagpakilalang doktora sa biktima.

Dalawa rin sa mga suspek ang may umiiral na bench warrant sa kasong unjust vexation sa Negros Oriental.

Nadiskubre rin na nilagyan ng deflector ang plaka ng ginamit na SUV upang hindi madaling makilala.

Kasalukuyang nakakulong ang limang suspek sa Santa Cruz Police Station at mahaharap sa mga kasong swindling at estafa.