Limang kalalakihan ang nahuli sa bayan ng Abulug dahil sa aktong nagtutupada na ipinagbabawal sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Ang mga hindi na pinangalanang nahuli ay mula sa bayan ng Abulug at Ballesteros habang ang anim na iba pang kasamahan ng mga ito ay nakatakas ngunit natukoy na ng pulisya ang pangalan ng mga ito.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMaj. Norly Gamal, hepe ng PNP-Abulug na nakatanggap ang pulisya ng sumbong kaugnay sa ilegal na tupada sa Barangay Guiddam na dahilan ng operasyon.

Sinabi ni Gamal na kasama sa mga nahuli ang may-ari ng citrus farm na pagmamay-ari ni Generoso Ojano, kung saan isinagawa ang ilegal na tupada.

Nahuli rin sa kanila ang ilang mga manok panabong, mga kagamitan nito habang hindi na narekober pa ang bet money matapos magsitakbuhan ang mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap ang mga suspek sa kasong PD1602 (Illegal Gambling) in Relation to RA 11332 dahil sa pinaiiral na General Community Quarantine dahil sa banta ng COVID-19.

Inaalam na rin ng pulisya kung ang mga suspek ay nakatanggap ng Social Ammelioration Program ng pamahalaan.