Tuguegarao City- Patay ang limang Grade 8 student habang maswerte namang nakaligtas ang isa sa mga ito matapos malunod sa ilog sa Brgy. Joaquin Dela Cruz, Camalaniugan, Cagayan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jenny Mercado ng Brgy. Bukig Aparri, Florbeth Ruatos ng Brgy. Pakak, Aparri, May Tubol, Irene Tubol kapwa residente ng Brgy. Mabanguc Aparri at Bernadette Paet na residente sa naturang lugar habang hindi pa mabatid ang pagkakakilanlan ng nakaligtas.

Ang mga biktima ay pawang mag-aaral ng Bukig National Agricultural and Technical School (BNATS) sa bayan ng Aparri, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMAJ Saturnino Soriano, Hepe ng PNP Camalaniugan, nagpaalam ang mga biktima sa kanilang mga magulang na mayroong dance practice ngunit nagtungo naman ang mga ito sa ilog upang magpicnic.

Ayon kay Soriano, pasado alas 2 ng hapon kahapon ng itawag sa kanilang himpilan ang nangyaring insidente na agad namang nirespondehan ng mga otoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa nito na batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon, naghawakan ang limang nasawi upang iligtas sana ang isa nilang kasama na unang lumangoy ngunit maging sila ay nalunod din.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit hindi na umabot ng buhay.

Nabatid na walo silang mag-aaral na nagtungo sa ilog ngunit lima ang unang lumusong sa tubig na sinundan ng isa pa ngunit nang mapansin na nalulunod na ang lima ay dali-dali na itong pumunta sa gilid at nagtawag ng tulong kasama ang dalawang naiwan sa gilid.