
Nasawi ang limang katao, kabilang ang dalawang bata, matapos mabagsakan ng nasunog na puno ng buli sa Brgy. Cawayanin, Pitogo, Quezon, umaga ng October 19, 2025.
Batay sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, ang mga nasawi ay ang mag-asawang Jean Andrea Bueno Pena at Alvin del Mundo Pena, parehong 35 years old; kanilang mga anak na sina Nazareth Eussef Bueno Pena, 11; Noeh Isaiah Bueno Pena, limang buwang gulang; at Alberto Anoche Bueno, 66 years old, ama ni Jean Andrea.
Lahat ay residente ng Brgy. Saguinsinan, Pitogo, Quezon.
Nakaligtas naman ang isa pang anak ng mag-asawa na 18 taong gulang, na siya ring humingi ng tulong matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon, pasado alas-5:30 ng umaga habang natutulog ang mga biktima, biglang bumagsak ang nasunog na puno ng buli sa kanilang bahay matapos mahipan ng malakas na hangin, dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.
Naiulat ang insidente bandang 8:45 ng umaga sa Pitogo Municipal Police Station.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO Pitogo at Pitogo Municipal Police Station para sa retrieval operation at para tumulong sa pamilya ng mga biktima.
Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.