
Nasunog ang pampasaherong barko na MV Jun Aster habang naglalayag patungong Coron, Palawan mula Maynila nitong Miyerkules ng gabi, kung saan lima ang iniulat na nasawi at 42 ang nailigtas.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nagmula sa Baseco area sa Maynila ang barko at patungo sa Coron nang biglang masunog dakong alas-6:45 ng gabi.
Batay sa manifest, may 117 pasahero at 17 tripulante ang sakay ng barko nang mangyari ang insidente.
Naganap ang sunog sa karagatang sakop ng Coron, humigit-kumulang 1.2 nautical miles northeast ng Barangay Marcilla.
Agad na nagsagawa ng rescue operation ang Philippine Coast Guard katuwang ang Coast Guard Sub-Station sa Turda at Tara, Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, lokal na pamahalaan ng Coron at iba pang mga shipping line na may mga barkong nakadaong sa Port of Coron.
Ipinadala rin sa lugar ang mga tauhan ng Maritime Environmental Protection Unit ng Northeastern Palawan at Coast Guard Special Operations Group upang tumulong sa pagsagip sa mga pasahero at tripulante.
Nagpadala rin ang Coast Guard ng BRP Suluan o MRRV-4406 mula sa Port of San Fernando sa El Nido bilang karagdagang suporta sa rescue operation.
Patuloy namang minomonitor ng Coast Guard ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya para matiyak ang kaligtasan ng mga nakaligtas.
Hindi pa batid ang sanhi ng sunog at nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.




