Nahaharap sa patung-patong na kasong Multiple Homicide, Serious Physical Injury at Damage to Property ang driver ng trailer truck na umararo sa kasalubong na tricycle at motorsiklo na nagbunsod sa pagkasawi ng limang katao sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Balug, Tumauini, Isabela.
Kinilala ang mga nasawing biktima na lulan ng tricycle na sina Arnel Menor kasama ang kanyang asawang si Diana Rose Menor at ang kanilang anak na anim na buwang sanggol, Ernesto Caronan at ang driver naman ng motorsiklo ay si Kuldipsingh na isang indian national.
Bukod sa mga nasawi ay may dalawang iba pa na isinugod sa pagamutan matapos na magtamo ng matinding pinsla sa katawan.
Sa panayam kay PLT Jessie Alonzo, Deputy Chief of Police ng PNP Tumauini, pauwi na sana ang mga biktimang naka sakay ng traysikel sa Brgy. Bliss Village, Ilagan City habang nakasunod naman ang indian national sakay ng kanyang motorsiklo at nang marating ang pakurbang bahagi ng kalsada ay bigla nalamang tinumbok ng trailer truck ang kanilang linya na nagresulta upang sila ay maararo nito.
Dahil sa lakas ng impak ay nagtamo ng matinding sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na nagresulta ng kanilang agarang kamatayan habang nagkawasakwasak naman ang kanilang mga sasakyan at wala ng mapakinabangan.
Matapos ang banggaan ay dumiretso naman ang trailer truck sa maisan at nagtamo ng gasgas sa katawan ang driver na si Oliver Zamora kasama ang isang Julius Zilapo na sakay nito.
Sinabi ni Alonzo na sa isinagawang pagsusuri ng doctor ay positibong nakainom ng alak ang suspek na si Zamora kaya’t maaaring hindi na nito na kontrol ang kanyang patakbo at nabangga ang mga kasalubong na biktima.