TUGUEGARAO CITY- Tuloy na tuloy na ang isasagawang inauguration sa kauna-unahang molecular laboratory o covid-19 testing center sa Region 02 , bukas, araw ng Lunes, Agosto 3, 2020 sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC)
Ayon kay Dr. Glen Mathew Baggao, medical Center chief ng CVMC, nakaset-up na ang dalawang RT-PCR at handang handa na rin ang kanilang mga staff para sa pagbubukas ng molecular laboratory.
Aniya, magkakaroon ng simpleng programa ang naturang pagamutan ngunit limitado lamang ang inimbitahan bilang pag-iingat sa covid-19.
Sinubukan ding mag-imbita ang pagamutan ng mga opisyal mula sa central office ngunit dahil abala ang lahat sa paglaban sa covid-19 ay nagpaabot na lamang umano ang mga ito ng pagbati sa pagbubukas ng covid-19 testing center sa rehiyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na may limang specimen na manggagaling sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na unang ite-test ng mga medical technologist (MED-tech) na unang sumailalim sa pagsasanay sa Baguio General Hospital (BGH)para makita kung marunong na ang mga ito sa pag-operate sa naturang machine.
Samantala, walong confirmed cases ng covid-19 ang kasalukuyang minomonitor sa CVMC kung saan tatlo ay mula sa Cagayan partikular sa bayan ng Alcala na may dalawang kaso at isa sa bayan ng Piat habang apat naman sa Isabela at isa sa Tabuk City, Kalinga.
Siyam naman ang suspected cases kung saan tig-isa sa bayan ng Tuao , Peñablanca , Lasam ,Lal-lo , Barangay Capatan at Ugac sur dito sa lungsod ng Tuguegarao at dalawa sa Isabela.