Tinupok ng apoy ang isang residential area sa “Happy Land” sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng gabi, Setyembre 13, 2025, na nagresulta sa pagkasira ng apat na gusali at pagkaapekto sa humigit-kumulang 500 pamilya o tinatayang 1,000 katao.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang dalawang-palapag na residential building na gawa sa magagaan na materyales sa Building 7, Helping Compound, Road 10.

Ayon sa BFP-NCR, naitala ang unang alarma bandang 8:30 ng gabi at agad na sinundan ng sunod-sunod na alarma: pangalawa sa 8:31 p.m., pangatlo sa 8:36 p.m., at pang-apat sa 9:36 p.m.

Itinaas pa ang antas ng alarma sa Task Force Alpha sa 10:48 p.m. at Task Force Bravo sa 10:53 p.m.

Idineklarang kontrolado ang sunog dakong 2:46 a.m. ng Linggo, at tuluyang naapula bandang 6:02 a.m. ng parehong araw.

-- ADVERTISEMENT --

Tatlong indibidwal ang nagtamo ng mga sugat sa katawan.

Isa ang nasugatan sa kaliwang tuhod, isa sa paligid ng kanang mata, at isa pa sa daliri at braso.

Tinatayang aabot sa P1.5 milyon ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian.

Sa kabila ng lawak ng sunog, walang naiulat na nasawi.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng apoy.