
Mahigit 500,000 residente sa Estados Unidos ang nawalan ng kuryente at higit 9,600 flight ang kanselado nitong Linggo dahil sa malakas na winter storm na inaasahang magdudulot ng malawakang pag-ulan ng niyebe, yelo, at matinding lamig sa silangang bahagi ng bansa.
Ayon sa mga forecast, tatama ang snow, sleet, freezing rain, at delikadong lamig sa halos dalawang-katlo ng US.
Tinawag ni Pangulong Donald Trump na “historic” ang bagyo at inaprubahan ang federal disaster declarations sa ilang estado, kabilang ang South Carolina, Virginia, Tennessee, Georgia, at North Carolina.
Nagdeklara rin ng weather emergency ang 17 estado at Washington, D.C. Pinayuhan ng Department of Homeland Security ang publiko na maghanda ng pagkain at fuel habang patuloy ang pagsasaayos ng mga linya ng kuryente.
Pinakamaraming power outage ang naitala sa Mississippi, Texas, at Tennessee.
Dahil dito, naglabas ng emergency orders ang US Department of Energy upang pahintulutan ang paggamit ng backup power resources at maiwasan ang malawakang blackout.
Samantala, nagbabala ang National Weather Service na maaaring maging “crippling to locally catastrophic” ang epekto ng bagyo, lalo na sa Southeast, habang inaasahan din ang record-low temperatures at mapanganib na wind chills sa mga susunod na araw.










