TUGUEGARAO CITY-Nasa 50 kilong marijuana na nagkakahalaga ng humigit kumulang na anim na milyong piso (P6Million)ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)mula sa tatlong suspek sa Kalinga.
Sa naging presentasyon ng PDEA-Region 2 sa pangunguna ni Director Christy Silvan, 25 tubular forms na dried marijuana leaves at 25 na bricks forms ang nakuha sa mga suspek na sina Reymar Balagtas at Victor Dumling kapwa residente sa Tabuk City habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa nilang kasama na nakatakas.
Ayon kay Silvan, bago ang kanilang operasyon, Disyembre 2019 ay minanmanan na nila ang mga suspek na nagsu-supply ng illegal na gamot sa Bulacan, Cavite at marami pang lugar sa National Capital Region (NCR).
Nitong umaga ng Enero 30, 2020 nang ikasa ang drug buy bust operation sa Sitio Ileb, Barangay Nambaran, Tabuk City na sanhi ng pagkakahuli ng mga suspek.
Nagpapagaling naman sa pagamutan si Dumling nang magtamo ng sugat sa kaliwang braso matapos mabaril ng mga rumespondeng otoridad nang tangkain nitong tumakas.
Sa ngayon, hawak na ng PDEA si Balagtas habang pinaghahanap ang isa pang suspek na mabilis na tumakas matapos ang operasyon.