
Arestado ang isang 52-anyos na Chinese national sa bayan ng Buug, Zamboanga Sibugay dahil sa umano’y pagtatrabaho bilang manager ng isang establisyemento nang walang kaukulang working visa.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), isinagawa ang operasyon sa pagtutulungan ng PNP, Bureau of Immigration (BI), at ng 106th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Isinilbi ang pag-aresto batay sa BI mission order na may petsang Enero 14, kaugnay ng paglabag sa mga batas sa imigrasyon.
Sinabi ng PNP na ipinaalam sa dayuhan ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang lubos na nauunawaan.
Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya ng PNP Regional Intelligence Operations Unit – Mindanao Intelligence Division para sa tamang legal na disposisyon.
Binigyang-diin ni PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na hindi palalagpasin ng kapulisan ang anumang paglabag sa batas.
Dagdag pa niya, ang mga operasyon ng PNP ay ginagabayan ng maingat na intelligence gathering at ebidensya upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko.










