
Pinatay ng mga rebelde ang 52 na mga sibilyan gamit ang machete o itak sa Beni at Lubero sa eastern Democratic Republic of Congo sa loob ng ilang araw.
Ayon sa mga opisyal ng army sa Congo, gumaganti umano ang Allied Democratic Forces (ADF) rebels sa mga sibilyan matapos na matalo sila sa Congolese forces.
Sinabi ng mga army officials na ginigising ng mga rebelde ang mga residente, dinadala sila sa isang lugar, iginagapos gamit ang mga tali, at dito na sila sinisimulan na patayin sa pamamagitan ng pananaga.
Ayon sa military administrator sa Lubero territory, nasa 30 sibilyan ang pinatay sa Melia.
Kabilang sa mga biktima ay mga bata at mga babae kung saan ay ginilitan ang kanilang mga leeg sa loob ng kanilang mga tahanan, habang maraming bahay ang sinunog.
Mariing kinondena ng United Nations Organization Stabilization Mission in the Democratic Republic of the Congo (MONUSCO) ang mga karahasan na ginawa ng ADF sa pagitan ng August 9 at 16.
Ayon sa nasabing grupo, 52 sibilyan, kabilang ang walong babae at dalawang bata ang pinatay, at posibleng madagdagan pa ang nasabing bilang.
Ang ADF ay kabilang sa maraming militias na nakikipaglaban para sa lupa at resources sa mayaman sa mineral sa silangan ng Congo.
Pinalakas naman ng army ng Congo at Uganda ang mga operasyon laban sa ADF nitong mga nakalipas na linggo.
Nitong buwan ng Hulyo, pinatay ng ADF ang 38 katao sa isang simbahan sa eastern Congo.