Hindi naging hadlang para sa isang ginang ang kanyang edad upang hindi niya maabot ang isa sa kanyang pangarap.
Ito ay matapos na makapagtapos sa Senior High School ang isang 57-anyos na ginang mula sa Zitanga, Ballesteros, Cagayan.
Kasama si Gng. Armelyn Areola sa 519 graduates ng batch 2025 sa Ballesteros National High School.
Nagsumikap si Areola na makapagtapos sa sekondarya sa kabila ng mga hamon, tulad ng pagiging ina sa tatlong anak, kung saan ay ipinagpatuloy niya kanyang pag-aaral at itinaguyod niya ang kanyang sarili sa araw-araw na pagpasok sa paaralan.
Sinabi ni Gng. Areola, naging puhunan niya sa kanyang pag-aaral ang kanyang paniniwala na walang pinipiling edad ang pangarap na sinamahan niya ng sipag at tiyaga, at tiwala sa kanyang sarili.
Ayon naman sa ilang kaibigan, may pagkakataon na pumapasok si Gng. Areola na may mga sugat sa kamay dahil sa paglalaba at napapagod dahil sa naglalakad siya papunta sa paaralan para makatipid sa pamasahe.
Bukod sa pagtatapos sa senior high school, kinilala siya na “Outstanding” sa Technical-Vocational Education sa dress making.