
Kinumpirma ng United Nations na umakyat na sa 589 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa magkakasunod na lindol na tumama sa hilagang bahagi ng Venezuela noong Hunyo 24.
Habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa lugar naitala rin ang 50,000 katao ang nawawala.
Kabilang sa mga nasawi sa malakas na lindol ang siyam na Portuguese national, apat na Espanyol, tig-dalawang Brazilian at Chinese, at isang Italian-Venezuelan.
Liban pa rito ang 56 na Portuguese at 120 na Espanyol ang hindi pa nahahanap.
Sa La Guaira, na pinakamatinding tinamaan ng lindol, makikita sa mga satellite image ang sunod-sunod na gumuhong residential buildings.
Naitala rin ang ilang insidente ng pagnanakaw sa isang supermarket habang naghihintay ng tulong ang mga residente.
Samantala dumating na rin ang mga rescue team at search dogs mula sa iba’t ibang bansa upang tumulong sa operasyon.
Ayon sa UN, nahaharap ang Venezuela sa pinakamalalang kalamidad sa loob ng mahigit isang siglo. Pinalala pa ito ng krisis sa ekonomiya at kakulangan sa serbisyong pangkalusugan at iba pang pangunahing serbisyo.
Nabatid na ang 7.5-magnitude na lindol ang pinakamalakas na tumama sa Venezuela simula pa noong 1900.
Naramdaman din ang pagyanig sa karatig bansa tulad ng Colombia at ilang lungsod sa hilagang bahagi ng Brazil.










