Huli ang anim na katao na pawang naglalaro ng baraha sa isang lamayan sa bayan ng Claveria, Cagayan sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMaj. Reymond Baggayan, hepe ng Claveria Police Station na nakatanggap ng tawag ang pulisya kaugnay sa pagsusugal ng mga suspek na kinabibilangan ng apat na kalalakihan at dalawang babae, pawang mga nasa tamang edad at residente ng Barangay Union.
Pagdating aniya ng mga pulis sa bahay ng namatayan ay naabutan umano nila ang mga suspek na nagsusugal ng tong-its sa dalawang mesa na itinago sa kusina.
Narekober sa mga suspek ang mga baraha at P2,300 na taya.
Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa anti-gambling law at Republic Act 11332 o Law on Reporting of Communicable Diseases.
Nagpaalala ang pulisya na kabilang ang mga lamay sa mga ipinagbawal na pagtitipon sa Luzon upang pigilan ang pagkalat ng coronavirus disease.
Tanging ang unang pamilya lang ng yumao at mga minister o officiant ang papayagang pumunta sa lamay habang nakasailalim ang Luzon sa enhanced community quarantine.