TUGUEGARAO CITY-Iginagalak na inihayag ni Fr. Gary Agcaoili, parish priest ng St. Vincent Ferrer Parish Church sa bayan ng Solana na negatibo sila sa Coronavirus disease 2019 (covid-19) kasama ang limang iba pang pari.

Una rito, sumailalim sa quarantine ang anim na pari matapos magkaroon ng exposure sa isa ring pari na nagpositibo sa virus kung saan agad silang sumailalim sa swab test.

Ayon kay Fr. Agcaoili, bagamat negatibo na sila sa virus kailangan pa rin nilang tapusin ang kanilang 14-day quarntine na matatapos sa araw ng Martes.

Kaugnay nito, hinimok ni FR. Agcaoili ang publiko na huwag nang hintayin ang mga contact tracers kung alam ninyong may nakasalamuhang positibo sa virus.

Aniya, boluntaryo ng ipaalam sa mga MHO ng nasasakupang lugar para kaagad na maaksyunan para hindi na darami ang posibleng mahawaan kung sakali na positibo na rin sa virus.

-- ADVERTISEMENT --

Huwag din kalimutan ang pagsusuot ng face mask at face shield maging ang paghuhugas ng kamay dahil ito ay hindi lamang proteksyon sa sarili sa halip ito ay proteksyon din sa mga mahal sa buhay na laging nakakasalamuha.

Nanawagan din ang pari ng pakikipagtulungan sa mga mamamayan para labanan ang covid-19 dahil hindi ito kaya ng LGU o mga grupo ng mga pari lamang.

Sa ngayon, sinabi ni FR. Agcaoili na kasalukuyan pa ring nasa isolation facility sa bayan ng Enrile ang pari na nagpositibo sa virus.