Nasawi ang hindi bababa sa anim na katao matapos sumiklab ang sunog sa isang 10-palapag na apartment building sa lungsod ng Antwerp, Belgium, nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa mga awtoridad, tinatayang 200 katao ang naninirahan sa naturang gusali.

Agad na rumesponde ang mga bumbero, pulisya, at iba pang emergency responders upang ilikas ang mga residenteng na-trap sa loob ng apartment.

Inilahad ng ilang nakaligtas na nawalan muna ng kuryente bago tumunog ang fire alarm.

Makalipas lamang ang ilang minuto, makapal na usok na umano ang bumalot sa mga pasilyo kaya hindi na sila nakababa gamit ang hagdanan at napilitang manatili sa loob ng kanilang mga unit habang naghihintay ng saklolo.

-- ADVERTISEMENT --

Gumamit ang mga bumbero ng fire ladder at mga lubid upang mailigtas ang mga residenteng naipit sa matataas na palapag at mga balkonahe ng gusali.

Pinayuhan din ng mga awtoridad ang mga nakatira sa kalapit na lugar na panatilihing nakasara ang kanilang mga pinto at bintana upang maiwasan ang paglanghap ng usok mula sa sunog.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Belgian Prime Minister Bart De Wever sa mga pamilya ng mga nasawi at sa lahat ng naapektuhan ng trahedya.