Tuguegarao City- Nakaalerto pa rin ang Cagayan Valley Medical Center sa pangangalaga sa mga COVID-19 suspected patients na nasa naturang pagamutan.
Batay sa pinakahuling datos ng CVMC, mula sa kabuuang bilang na 19 COVID-19 suspects ay anim na rito ang nagnegatibo sa virus habang isa naman ang naitalang probable case.
Sa panayam kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Chief ng CVMC, lahat aniya ng mga naaadmit at napapanibilang sa talaan ng “suspects” at “probable” ay agad kunukuhanan ng swab samples upang masuri sa lalong madaling panahon.
Ayon pa sa kanya, ito na ang ika 21 araw na COVID-19 positive free ang lalawigan ng Cagayan matapos magnegatibo mula sa virus ang lahat ng mga naitalang confirmed COVID-19 patients.
Nilinaw naman ni Dr. Baggao na hindi COVID- 19 free ang Cagayan bagkus ito ay Covid 19 positive free.
Paliwanag nito, ang COVID-19 free ay hindi lamang dapat zero Covid 19 confirmed case sa halip ay dapat wala ring probable at suspect cases habang ang Covid 19 positive free ay walang kumpirmadong kaso.
Binigyang diin pa nito na tanging ang Department of Health (DoH) at mga otorisadong opisyal lamang ang magdedeklara na COVID-19 free ang isang lugar na walang “probable, suspect at confirmed” cases.
Tiniyak naman ni Baggao na tuloy-tuloy pa rin ang kahandaan ng kanilang tanggapan upang tumulong sa pagpapagaling sa mga pasyente at maging sa paglaban sa naturang sakit.
Samantala, maalalang kahapon ay pormal na inianunsyo ng DOH ang 3 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa rehiyon na naitala sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Isabela.