Nahuli na ang anim na suspek na kasamahan ng unang dalawang nahuli ng pulisya sa panloloob sa isang malaking grocery store sa Brgy Buntun, Tuguegarao City.
Ayon kay PMAJ Rufo Pagulayan, hepe ng PNP-Enrile na unang nasakote sa police checkpoint pasado alas 6:00 ng umaga nitong Miyerkules sa Brgy Roma ang tatlong suspek na nakasakay sa inarkilang tricycle papuntang junction at papasok ng lalawigan ng Kalinga.
Kinilala ang mga ito na sina Alexander Muting, 48-anyos, residente ng Sagada, Mountain Province; Albert Sansilat, 47-anyos at Alfredo Bumang-id, kapwa residente ng Bomtoc, Mt. Province.
Bagamat nakatakas si Bumang-id matapos magpaalam na iihi lamang ay nahuli rin ito ng PNP- Enrile sa follow up operation bandang alas-10:00 ng umaga nitong Miyerkules sa bahagi ng Roma Norte na sakay sa isang motorsiklo at nagpalit na ng suot na damit.
Kasamang naaresto sa naturang lugar si Jordan Mangadang, residente ng Pinukpuk, Kalinga na susundo sana kay Bumang-id na kanyang tinawagan matapos ang pagtakas.
Habang natunton naman ang hindi pa pinangalanang dalawa pang kasamahan ng mga suspek sa pamamagitan ng cellphone ni Bumang-id na walang kaalam-alam na pulis na pala ang kanilang ka-text o ka-transaksyon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Pagulayan na isang organized group ang mga nahuling suspek kung saan nakakarating pa ang grupo sa Visayas para sa nasabing modus.
Sangkot din si Bumang-id sa isang robbery incident kamakailan sa Isabela.
Narekober naman ng pulisya sa mga suspek ang granada at sachet ng pinaniniwalaang ilegal na droga na siyang batayan para sa isasampang kaso ng PNP-Enrile bukod pa sa kasong robbery na isasampa naman ng PNP-Tuguegarao.
Matatandaang naaresto ng mga miyembro ng PNP- Tuguegarao ang dalawang suspek na nagsilbing look-out ng tatlong suspek na mula sa Kalinga na nanloob sa grocery store nitong madaling araw ng Miyerkules.
Bukod sa mga narekober na droga, baril at ginamit sa panloloob ay nakuha rin sa loob ng grocery store ang identification card ni Bumang-id na posibleng nahulog nito sa pagmamadaling tumakas.