Umakyat na sa anim ang nasawi dahil sa pagkalunod kasabay ng paggunita ng Semana Santa sa ibat-ibang bayan sa lalawigan ng Cagayan.

Ang naturang datos ng pagkalunod ay naitala mula Martes Santo hanggang nitong Sabado Gloria.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sunshine Asuncion, tagapagsalita ng Office of Civil Defense o OCD Region 2 na isa ang nalunod sa bayan ng Lasam noong April 12, tig-isa din sa bayan ng Allacapan, PeƱablanca at dalawa sa Solana nitong April 15 habang isa sa bayan ng Sta Ana na nangyari kahapon, April 16.

Sa nasabing bilang, apat ang lalaki at dalawa ang babae kung saan pawang nasa legal age ang mga ito maliban lang sa 16 years old na nalunod sa bayan ng Solana.

Sinabi ni Asunsion na lahat ng mga biktima ng drowning incident ay narekober ang kanilang katawan kung saan karamihan sa mga ito ay nalunod dahil sa pagligo sa mga ilog at beach maliban lang sa insidente sa Sta Ana na nagligtas ng kaniyang anak at pamangkin subalit hindi niya nailigtas ang kaniyang sarili.

-- ADVERTISEMENT --

Batay pa sa nakuhang impormasyon ng OCD mula sa mga kinauukulan ay wala naman sa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang mga biktima.

Bukod sa pagkalunod, nakapagtala din ang OCD ng 28 insidente ng vehicular accident na ikinasugat ng 38 indibidwal sa paggunita ng Holy Week sa buong rehiyon dos.

Ayon kay Asuncion, wala namang namatay sa mga biktima ng aksidente.

Sa ngayon ay nakaalerto pa rin ang mga kasapi ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) habang hindi pa nakakabalik ang mga bakasyunista.