
Nasa anim ang naiulat na nasawi matapos tamaan ng malawakang winter storm ang mga estado sa silangan at timog ng Estados Unidos nitong Linggo, na nagdulot ng nagyeyelong ulan, mabigat na niyebe, at madulas na kalsada.
Nagsara ang mga paliparan at highway, at mahigit isang milyon ang nawalan ng kuryente habang lumalakas ang bagyo.
Kabilang sa mga pinaka-apektadong estado ang Georgia, Louisiana, Mississippi, Tennessee at Texas, kung saan nagdulot ng pagputol ng linya ng kuryente ang yelo at nagdulot ng matinding pagkaantala sa mga pangunahing lungsod tulad ng Atlanta, Houston at Nashville.
Ayon sa PowerOutage.us, may hanggang 339,000 customer na nawalan ng kuryente sa Tennessee.
Halos 180,000 naman sa Mississippi, halos 150,000 sa Louisiana, at halos 100,000 sa Texas at Georgia.
Nakararanas din ang Midwest ng matinding pag-ulan ng niyebe, kung saan nakatanggap ang mga lungsod sa Ohio tulad ng Cincinnati at Columbus ng 6 hanggang 10 pulgada, habang umabot sa halos isang talampakan ang niyebe sa Dayton at Springfield.
Apektado rin ang Arkansas, Illinois, Indiana, Kansas, Missouri at Oklahoma. Sa Northeast, nakaranas ng malalakas na pag-ulan ng niyebe ang New Jersey (10 pulgada), New York (7 pulgada) at Pennsylvania (9 pulgada).
Mahigit 16,000 flight ang kinansela sa buong bansa at libu-libo pa ang naantala sa mga pangunahing paliparan kabilang ang Atlanta, Boston, Chicago, Dallas, Detroit, Houston, New York, Philadelphia at Washington, DC.
Binalaan ng mga forecaster na maaaring magtagal ang sobrang lamig hanggang sa unang bahagi ng linggo habang nananatili ang bagyo sa malaking bahagi ng US.




