Anim na pulis sa Piat, Cagayan na kinabibilangan ng kanilang hepe ang isinailalim sa quarantine matapos makasalamuha ang alkalde na nagpositibo at kalaunan ay gumaling sa COVID 19.
Kinumpirma sa Bombo Radyo ni P/Brig. Gen. Angelito Casimiro, regional police director na naka-isolate at patuloy na minomonitor sa Police Regional Health Service II hospital ang 48-anyos na Chief of Police habang sa PNP training facility na ginawang quarantine facility ang tatlong lalaki at dalawang babaeng pulis na matatagpuan sa Police Regional Office 2.
Sinabi ni Casimiro na hindi pumayag ang Cagayan Valley Medical Center na makuhanan ng swab test ang hepe dahil sa “asymptomatic” o wala siyang sintomas ng COVID-19 at lagpas na sa 14-days o March 21 pa nang nagkaroon siya ng direct contact kay Mayor Carmelo Villacete, na gumaling na sa naturang sakit.
Upang makasiguro, isinailalim pa rin ang naturang hepe sa COVID-19 test gamit ang rapid testing kit at nakitaan umano siya ng antibodies na pino-produce ng katawan upang labanan ang virus.
Dahil dito, inirekomenda ng Regional Health Service II na isailalim sa quarantine ang hepe, kasama ang limang iba pa na may direct contact sa COVID-19 positive para masiguro ang kaligtasan ng bawat PNP personnel laban sa sakit.
Ayon kay Casimiro, nanatiling nasa maaayos na kalagayan ang mga pulis at inaalagan sila ng mga nakatalagang nurses at duktor sa PRO-II.
Patuloy naman ngayon ang isinasagawang contact tracing sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa iba pang mga posibleng nakasalamuha ng mga pulis.