BOMBO RADYO TUGUEGARAO
Positibo sa COVID-19 Antigen Test ang 61 examinees ng Licensure Examination for Teachers o LET sa Region 2.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) Region 2, nasa 22 ang nagpositibo sa dalawang testing sites sa Cauayan City, Isabela at 39 na positibong kaso naman sa labing-isang testing sites sa Tuguegarao City.
Kaagad namang ibinukod sa mga itinalagang isolation area ang mga nagpositibo at itinawag sa kani-kanilang LGUs para sa kaukulang pangangalaga at contact tracing.
Matatandaang natuloy kahapon ang eksaminasyon ng nasa 2,343 LET registered examinees sa tulong ng Department of Health at iba pang ahensya matapos makailang ulit itong ipinagpaliban ng Professional Regulation Commission dahil sa pandemya.
Ilang araw bago ang pagsusulit ay dumating sa Tuguegarao at Cauayan City ang mga examinees, maging ang mga kawani ng PRC at personnel ng DOH na nagsagawa ng antigen testing.