
Tumanggap ng libreng binhi ng mais at abono ang 622 magsasaka sa Tuguegarao City bilang tulong ng pamahalaang panlungsod upang maibsan ang epekto ng El Niño sa kanilang produksyon.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga magsasaka mula sa mga barangay ng Linao Norte, Carig Sur, Carig Norte, Caggay, Tanza, Balzain East, Pengue, Larion Alto, Larion Bajo at Capatan.
Ayon kay Alvin Walter Pascua, corn program coordinator ng City Agriculture Office, nagmula sa Department of Agriculture ang ipinamahaging binhi ng mais, habang ang abono ay binili ng lokal na pamahalaan.
Bukod dito, nag-aalok ang lungsod ng mas murang serbisyo sa paghahanda ng lupa gamit ang tractor sa halagang P700 kada ektarya, kumpara sa P3,000 hanggang P3,500 na singil ng mga pribadong operator. Mayroon ding combined harvester, mobile dryer at mga pump and engine na may hose para sa mga sakahang nangangailangan ng tubig.
Samantala, iniulat ni Pascua na bumaba sa halos apat na metric tons kada ektarya ang ani ng mais ngayong taon mula sa average na 6.3 metric tons kada ektarya noong nakaraang taon dahil sa epekto ng El Niño.
Dahil dito, patuloy na naghahanap ng paraan ang pamahalaang panlungsod upang mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka, partikular sa pagbili ng farm inputs at pagpapatubig sa kanilang mga pananim.
Ayon naman kay Mayor Maila Ting-Que, pinag-aaralan ng lungsod ang pagbili ng water truck na magagamit sa paghahatid ng tubig sa mga sakahan kapag tumindi ang epekto ng El Niño.
Inihayag din ng alkalde na naglaan ng P1 milyon ang tanggapan ni Senator Kiko Pangilinan para sa mga magsasaka sa lungsod. Hindi pa ito naipamamahagi dahil umaasa ang lokal na pamahalaan na makakakuha pa ng karagdagang tulong mula sa iba pang ahensiya upang mas maraming magsasaka ang makinabang.
Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa natanggap na tulong, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng mga farm input at dagdag na gastos sa pagpapatubig dahil sa kakulangan ng ulan.
Ayon kay Adelina Langcay, malaking hamon sa mga magsasaka ang patuloy na pagtaas ng gastusin. Umaasa siyang magpapatuloy ang suporta ng pamahalaang panlungsod upang mapanatili ang kanilang produksyon.
Si Langcay ang naitalang may pinakamataas na ani ng mais sa Tuguegarao City sa nakalipas na anihan.










