Nasawi ang isang 63-anyos na babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Bangued, Abra nitong Miyerkules ng umaga, Abril 23.

Kinilala ang biktima bilang si Nona Bigornia Castillo, residente ng Barangay Bañacao at dating presidente ng samahan ng mga magsasaka sa kanilang lugar.

Ayon sa pulisya, nangyari ang pamamaril dakong 11:15 ng umaga sa kahabaan ng kalsada sa Sitio Calumbitin, Barangay San Antonio.

Agad namang isinugod ang biktima sa Abra Provincial Hospital pero idineklara siyang dead on arrival.

Base sa salaysay ng saksi, huminto si Castillo sa isang tricycle at humiling ng sakay pauwi sa Bañacao.

-- ADVERTISEMENT --

Habang sila’y bumabyahe, biglang sumulpot ang isang lalaki mula sa likuran at dalawang beses siyang binaril bago tumakas.

Sa isang social media post, nagpaabot ng pakikiramay si suspended Vice Governor Joy Bernos, at sinabing si Castillo ay matagal nang tagasuporta ng kanilang partido.

Ayon pa sa opisyal, tila planado ang krimen at iniuugnay ito sa politika.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad para tukuyin ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.