Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang listahan ng mga senatorial candidates na pinahintulutan nilang tumakbo para sa May 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, 66 na senatorial candidates lamang ang nakapasok sa naturang pinal na listahan matapos na tuluyan na nilang hindi payagang makakandidato ang 117 iba pang aspirante sa pagka-senador, na idineklarang nuisance.
Kabilang sa final list si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder at Pastor Apollo Quiboloy, na kasalukuyang nakapiit dahil sa mga kasong kriminal na kinakaharap sa hukuman.
Sinabi pa ni Garcia na nakatakda na rin nilang ilabas sa susunod na linggo ang balota kung saan makikita ang mga pangalan ng mga naturang kandidato sa pagka-senador.
Dagdag pa ni Garcia, walang inisyu na temporary restraining order ang Supreme Court sa 117 na dineclare ng Comelec na nuisance.