TUGUEGARAO CITY- Nanawagan sa gobyerno ng Pilipinas ang Katipunan ng mga Samahan ng Manggagawang Pilipino sa South Korea (KASAMA KO) na maglatag na ng contingency measures kaugnay sa mabilis na pagkalat ng COVID- 19 doon.

Bagamat walang OFW ang apektado ng virus, hiniling ng tagapagsalita ng grupo na si Chat Dimaano, factory worker sa SoKor at tubong Caloocan City, Manila kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng malinaw na plano para sa mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pansamantalang pagsasara ng maraming kumpanya.

Masyado umanong tahimik ang embahada ng Pilipinas sa South Korea sa gitna ng lumalalang sitwasyon ng mga Pilipinong manggagawa.

ang tinig ni Dimaano

Sa kabila nito, sinabi ni Dimaano na nagtutulungan ang mga organisasyon o samahan ng mga manggagawang Pilipino at sumusunod sila sa mga paalala ng pamahalaan ng SoKor upang makaiwas sa naturang virus.

-- ADVERTISEMENT --

Sa katunayan, pinaigting na ng SoKor ang pamamahagi ng facemask at paglalagay ng hygiene kit sa mga subways, buses at sa iba pang transportation.

Bukod dito, pinaigting rin ng mga Telcos ang pagpapadala ng text blast at impormasyon sa kanilang mga subscriber kaugnay sa naturang virus.

Ayon pa kay Dimaano, pangalawa ang SoKor sa bansang may pinakamaraming kaso ng COVID 19 na umabot na sa 1,595 hanggang nitong Huwebes habang nananatili sa siyam ang nasawi.