Tuguegarao City- Nakatakdang sunduin ngayong araw ng LGU Buguey ang mga mag-aaral na nastranded sa lungsod ng Tuguegarao upang maiuwi sa kanilang mga tahanan.

Sa panayam kay Mayor Lloyd Antiporda, 6 na van at karagdagan pang dalawang sasakyan mula sa LGU-Buguey ang susundo sa mga studyanteng nasa lungsod ngayon.

Aniya, isasabay na rin ang ilan pang mga mag-aaral na nasa Buguey na pupunta sa lungsod upang kuhanin ang kanilang mga kagamitan sa kanilang mga inuupahang boarding house.

Paliwanag naman ng alkalde, bagamat nasa ilalim na ng General Community Quarantine (GCQ) ang lalawigan ng Cagayan ay hindi dapat makampante at kailangan ding ipatupad ang mga protocols at mga guidelines kaugnay sa banta ng COVID-19.

Ayon pa sa opisyal, kung sakali namang may mga uuwing kababayan na maggagaling sa ibang mga lugar ay dapat higpitan din ang monitoring at isailalim sa mandatory quarantine.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak pa nito na handang gamitin ng LGU Buguey ang nakalaang pondo para sa pangangailangan ng mga isasailalim sa quarantine at iba pang kailangan upang labanan ang banta ng sakit na dulot ng COVID-19.