Muling nagpaalala ang Pambansang Pulisya sa mga magulang ngayong holiday season na gabayang mabuti ang kanilang mga anak sa paggamit ng mga paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Kasunod ito ng ulat kaugnay sa pagkakasugat sa mukha ng isang 7-taong gulang na lalaki mula sa bayan ng Solana, Cagayan nang aksidenteng pumutok ang boga nang ma-trigger ang ignition lighter nito habang ito ay naglalaro.
Agad naman ipinasakamay ng magulang ng bata sa PNP ang naturang boga.
Ayon kay Police Colonel Mardito Anguluan, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office, ang nangyaring insidente ay patunay na peligro ang dala ng mga improvised explosive devices (IEDs) na maaaring magdulot ng matinding pinsala o pagkasawi.
Kasabay nito ay nanawagan si Anguluan na iwasan ang paggamit ng mga iligal na paputok gaya ng Boga.
Hinikayat din ng pulisya ang publiko na makiisa sa kanilang kampanya para sa ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon, kasabay ng paghimok na i-report ang mga kaso ng paggamit o paggawa ng mga iligal na paputok.