TUGUEGARAO CITY-Nasagip ng Animal Kingdom Foundation ang pitong aso na nakatakda sanang katayin sa Nueva Ecija.
Sa naging panayam kay Atty. Heidi Caguioa ng Animal Kingdom Foundation, ilang concerned citizen umano ang nagbigay impormasyon sakanilang tanggapan sa ginagawang pagkatay ng alagang aso ng suspek na kinilala na si Danilo Gallardo.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng monitoring ang kanilang tanggapan kung saan kanilang napatunayan ang natanggap na impormasyon.
Aniya, kasalukuyan na umanong inihahanda ng suspek ang kanyang mga kagamitan maging ang pagpapakulo ng tubig para sa pagkatay sa pitong aso nang kanilang maabutan sa loob mismo ng kanyang bahay sa Cabanatuan City.
Agad namang inaresto ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag animal welfare act dahil sa ginagawang pagmamaltrato sa mga aso.
Sinabi ni Caguioa na kinukuha umano ng suspek ang mga kinakatay na aso sa mga kalapit nilang bayan kung saan kanya itong binibili sa halagang P200 hanggang 500 depende sa laki ng aso.
Dagdag ni Caguiao, ang suspek na umano ang nagluluto at nagbebenta kung saan kumukita ito ng mahigit isang libo sa isang aso na kinakatay.
Kaugnay nito, dinala na umano sa Capas, Tarlac ang mga nasagip na aso para doon alagaan at hahanapan ng mga mababait na amo na mag-aalaga sakanila.
Samantala, pinayuhan naman ni Caguiao ang publiko na huwag kumain ng karne ng aso dahil maari itong may dalang rabies na nakakasama sa katawan ng tao.