photo credit: DA-region 2

TUGUEGARAO CITY-Kaagad na isinailalim sa RT-PCR swab test ang pitong frontliners ng Department of Agriculture (DA)-Region 02 matapos magpositibo sa isinagawang libreng antigen test na programa ni Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Atty. Marjorie Chan, una umanong hiniling ng City Health Office na magsagawa ng libreng antigen sa mga empleyado ng DA-R02 bilang tugon sa biglaang pagtaas ng mga nagpopositibo sa covid-19 sa naturang ahensya.

Aniya, nasa 135 na mga empleyado ang isinailalim sa antigen test kung saan pito rito ay nagpositibo.

Sinabi ni Chan na habang hinihintay ang resulta ng swab test ng mga nagpositibo ay dinala sila sa isolation facility bilang pag-iingat sa nakamamatay na sakit.

Tiniyak naman ni Chan na may natanggap at iuuwing ayuda mula sa kanilang programa tulad ng bigas, hygiene kits at iba pa ang mga sumailalim sa antigen test, kahit na positibo o negatibo ang resulta ng mga nito.

-- ADVERTISEMENT --

Ang pagsasagawa ng libreng antigen test sa DA-R02 ay pang-apat na bugso mula sa naturang programa kung saan una itong isinagawa sa isang malaking mall sa lungsod nitong mga nakaraang buwan bilang tulong sa pagsugpo sa nakakahawang sakit.