Pitong jail facilities sa Cagayan Valley ang gagamitin bilang special polling precints para sa persons deprived of liberty o mga preso na kuwalipikadong bumoto sa araw ng Lunes.

Ayon kay JCINS Alejo Lohan Jr, Regional Operations Division Chief ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region 2, 725 na mga PDLs sa rehiyon dos ang inaasahang boboto sa darating na halalan sa May 12.

Sa naturang bilang, 677 ay mga lalaki habang 48 naman ang mga babae na kwalipikadong PDL na boboto.

Ang iba rito ay inaasahang boboto mula mismo sa loob ng district jail sa Cabarougis, Quirino; Cabagan, Cauayan, dalawa sa Roxas at Santiago sa Isabela; at Solano sa Nueva Vizcaya.

Para sa mga piitang may maliit na bilang ng rehistradong botanteng PDL o hindi bababa sa 50, ay ie-eskortan sila ng jail officers patungo sa mga polling precinct kung saan sila nakarehistro.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Lohan na kailangan na mayroong court order na pinapayagang lumabas ang mga PDL para bumoto.

Samantala, ilalagay sa red alert status ng BJMP ang lahat ng mga kulungan sa bansa sa mismong araw ng halalan.

Sinabi ni Lohan na layon nitong matiyak na naka-duty ang buong puwersa nila para umalalay sa mga PDL na boboto.